Lakas ng Bukas

images (2)
PANAHON. Ang bukas ay hindi na magiging nakaraan, at ang nakaraan ay wala nang kasalukuyan. Photo by: K.Reyes

” Anak, naririnig mo ba si mama? Huwag kang mag alala ha? Sasamahan kita. “

Kapag ika’y lumaki katulad ko, hindi kita hahayaang manatili sa isang madilim na sulok at magkulong sa mga pangarap na sana’y aabutin mo.

Sana hindi mo makuha ang pagiging mahiyain ko. Makihalubilo ka sa ibang tao, makipagkaibigan ka sa mga kaklase mo. Walang masamang magtiwala sa kanila anak, mas mabuti nga upang may mga balikat kang maiiyakan at mga taengang makukwentuhan, kapag ako’y wala na dito.

Anak, sasabihin ko saiyo, hindi rason ang pagiging mahirap upang tayo’y manatiling nasa ibaba. Yakapin mo ang mga magagandang bagay sa mundo anak, huwag mong isipin ang ibang tao. Maging masaya ka , at gawin mo ang mga bagay na mahal mo.

Huwag kang tumulad sa akin na pinarusahan, pinagkaitan, at iniwan ko ang sarili ko sapagkat hindi ko maintindihan kung ano ba ang rason kung bakit ako nandito. Anak makinig ka, huwag kang gumaya sa Nanay mo, ha? Lumaban ka. Magpakatotoo ka!

images (3)
PAGMAMAHAL. At sa huli, ikaw at ako parin ang haharap sa bukas. Photo by: Q.DelaCruz

Hayaan mo ang mga taong humusga sa buong pagkatao mo, basta ang mahalaga, alam mo sa sarili mo na hindi ikaw ang mga binibintang sa iyo. Lahat ng mga naririnig mo’y ipasok sa isang taenga, at ilabas sa kabila!

Matuto kang iwan ang mga nakaraan, at taas-noong ilaban ang iyong karapatan. Huwag mong hayaang ipagkait ang kalayaan na para sa iyo.

Huwag kang magpapagod ha? Gusto ko, kapag nakakaramdam kana ng pagod, huminto ka, manalangin ka, tulad ng itinuturo ko sayo. Huwag mong ipagkait sa sarili mo ang pahinga. Dapat matuto ka kung paano maging masaya. (Read more : Labanan ang stress )

Sa unti-unting pagbabago ng mundo, sasabihin ko sayo, huwag mong ilulong sa mga makabagong kagamitan ang sarili mo. Maglakad-lakad ka, maglaro ka, hayaan mong makaranas ang sarili mo ng magandang kabataan.

Kapag umabot sa punto na umibig ka, magsabi ka sa akin ha? Huwag kang mahihiya, sapagkat alam ko ang iyong pinagdaraanan. Lahat ng mga nangyayari, pangloloko, at mga masasakit na damdamin na ipinadadama niya, sabihin mo sa akin ha? Hindi naman ako magagalit, mas mamahalin at maiintindihan kita.

Tayo ang magkaramay dito anak. Tandaan mo iyan ha? Sa mga oras na kailangan mo ng kausap, nandito lang ako. Nandiyan lang ang mga kaibigan mo.

Sa lahat ng pag-iyak mo, at sa mga problemang gumugulo sa isipan mo, matuto kang humingi ng tulong sa paligid mo, tandaan mo, lahat tayo may problema, iba-iba lang talaga.

Ayokong mangyari sayo ang nangyari sa akin. Lahat ng mga pasa, mga sugat, at mga hiwa’y hindi mo dapat maangkin, dahil isa kang anghel na binigay ng Panginoon para sa amin.

“Anak, kung baka sakali na ika’y pinanghihinaan ng loob, ako ang magsisilbing lakas mo.”

Liham ng Pagsuko

images (1)
PAGHAHANAP. Sa huling sandali ng buhay, pagmamahal lang ang nais na kulay. Photo by: Q.DelaCruz

Sa mga matang pagod, at mga pusong sugatan. Humihingi ng tulong, ngunit ayaw pakinggan.

Hindi naman mali na ibigay sa sarili ko ang kaginhawaan na ninanais nito. Wala namang masama kung kaligayahan ko naman ang yakapin ng mundo. Alam kong mas makabubuti ito, dahil sa huli, ayos lang kung ako parin ang agrabyado, basta hindi lang kayo ang maipit sa kamalasan ko.

Nakikita niyo ba? Ang mga kamay kong puno ng dugo, pasensya na, ako’y nagbabakasakaling mapansin at bigyang aruga.

Ma, suot ko po iyong pulang bistida na binili niyo noong kaarawan ko. Pasensya na, hindi na ako nakapagpasalamat sa iyo. Sabi mo kasi may inaasikaso kang mahalagang bagay sa opisina niyo, kaya hindi na kita inisturbo. Maganda di ba? Binili mo iyon eh!

Nakakahiya naman po sayo Pa, sa mga oras na ito, nandoon ka sana sa labas, pinapanatili ang katahimikan ng isang bayan. Alam kong masaya ka sa trabaho mong pagsilbihan ang ating bansa. Minsan ka lang umuwi sa bahay, ngunit alam mo Pa, mahal kita. Pasensya na, nabigyan pa kita ng sakit sa ulo.

Huwag niyo na pong piliting hanapin ang pulso ng isang batang matagal ng walang buhay, matagal ng sumuko sa buhay. Hindi niyo po kasalanan ito, sadyang nahihirapan lang ang puso kong kargahin ang lahat ng mga bagay sa paligid ko. Miss ko na kayo Ma, Pa. Sana bumalik nalang ulit tayo katulad noon.

Kung ayos lang po, kayo nalang ang magpasa sa mga takdang aralin at mga proyektong ginawa ko. Sinadya ko talaga na huli ko nang ipapasa, kasi natatakot akong hindi nanaman tanggapin. Minsan kasi, wala na akong mukhang naihaharap sa mga guro ko dahil sa mga kapalpakan ko. Ma, Pa, pasensya na, mas nakatuon ang aking pansin sa mga bagay sa aming paaralan. Nahihiya kasi ako sa inyo kung hindi ako iyong manguna sa klase namin. Di ba, sabi niyo kailangan maging magaling ako? ( Read more : Depresyon )

Ang nais ko lang po ay maging masaya kayo, kahit na wala na ako. Alam kong naging makasarili ako, at sana’y maintindihan niyo, na hindi kayo ang nagkulang. Walang may kasalanan. Nais ko sanang makasama kayo hanggang sa pagtanda, ngunit alam kong magkikita-kita tayo, di ba? Mas maaga lamang ang pag lisan ko.

Salamat, dahil hanggang sa huli, hindi niyo ako sinukuan. Narito kayo, niyayakap ako kahit na nanglalamig na. Sana noon pa ay naramdaman ko na ang init ng mga yakap at halik niyo.

Sana kasamo ko pa kayo. Sana ako nalang ang gumawa ng paraan para sama-sama tayo. Ngunit naging duwag ako. Hindi ako kasing tapang niyo.

Sa huling talata ng liham ko, sana maramdaman niyo ang presensya ng mumunti niyong pangarap. Kahit sa maiksi at hindi pwrpektong panahon, nakasama ko kayo. Hanggang sa muli. Nagmamahal, ang batang pinagkaitan ng tadhana.